BlogSite Posting: May 25, 2006


Jamilla at Kim Manok ni Chiz sa 'PBB'


SOURCE: The Journal Group Article Written by: Ryan Ponce Pacpaco

ABALA man sa pulitika at "lovers' quarrel" kay Ilocos Norte Rep. Imee Marcos, may kaunting panahon pa rin si House Minority Leader at Sorsogon Rep. Francis 'Chiz' Escudero para sumubaybay sa"Pinoy Big Brother Teen Edition" kung saan "minamanok" nito ang single mother na si Jamilla at si Kim.

Sa panayam ng TALIBA, sinabi ni Escudero, secretary-general ng United Opposition (UNO) na nangunguna sa pagbuo ng ikalawang impeachment complaint laban kay Pangulong Arroyo, na bilib siya sa mga pagsubok na dinaanan ni Jamilla sa maagang edad nito at hanga naman sa kagandahan ni Kim.

"Nakakatuwa ang batang si Jamilla, nakakabilib ang paglaban niya sa hamon ng buhay at talaga namang maganda si Kim," nakangiting pahayag ni Escudero.

Sa pamamagitan ng palitan ng text messages, nagkabati na sina Escudero at Marcos kung saan nag-alok pa ng kiss ang huli sa una para tapusin ang kaunting tampuhan sa estratehiya ng oposisyon sa pagsusulong ng impeachment.

Umaasa si Escudero na magsisilbing halimbawa ang teenage housemates sa PBB sa mga kabataan para kapulutan ng aral kahit sabihing ang pagpasok sa showbiz ang pangunahing motibo ng mga lumahok.